ANG PAGHAHARI NG DIYOS (Hunyo 17, 2018)

Ika-11 Linggo sa Karaniwang Panahon (B – Berde)

ANTIPONA (Salmo 27:7, 9)

Dinggin mo ang aking tawag, Poon, Ikaw ay mahabag, ako’y tulungan mo agad. Akin kitang hinahanap, huwag biguin aking sikap.

PAUNANG SALITA

Ang pagsunod sa kalooban ng Diyos ay hindi makikita sa mabilisang resulta o mga kagulat-gulat na pagbabago. Makikita ito sa pagtugon natin sa Diyos bunsod ng ating pag-ibig sa kanya. Kung magiging bukas tayo sa kanya at sa kanyang kagandahang-loob, maaari tayong mgaing mga aktibo at epektibong tagapagtayo ng kaharian ng Diyos.

UNANG PAGBASA (Ezekiel 17:22-24)

MAKATUWIRANG PALIWANAG: Inihahalintulad ni propeta Ezekiel sa paglago ng usbong ng sedro ang pagbabalik ng Israel as lupang pangako. Gagamitin din ni Hesus ang simbolong ito sa paglago ng paghahari ng Diyos sa ating piling.

ITO nga ang ipinasasabi ng Panginoon, “Kukuha ako ng isang usbong ng sedro at aking iaayos. Ang kukunin ko’y yaong pinakamura ng pinakamataas na sanga. Itatanim ko isa isang mataas na bundok, sa pinakamataas na bundok ng Israel upang lumago at mamungang mabuti at maging isang kahanga-hangang sedro. Sa gayun, lahat ng uri ng hayop ay makapaninirahan sa ilalim nito. Ang mga ibon nama’y makamumugad sa mga sanga nito. Kung magkagayon, malalaman ng lahat ng punongkahoy na mapabababa ko ang mataas na kahoy at maitataas ko yaong mababa; na matutuyo ko ang sariwang kahoy at mapananariwa ko yaong tuyong punongkahoy. Akong Panginoon ang nagsasabi nito at ito’y gagawin ko.”

SALMONG TUGUNAN (Salmo 91:2-3, 13-14, 15-16)

T – Totoong kalugud-lugod ang magpasalamat sa D’yos.

1. Ang magpasalamat sa Panginoong Diyos ay mabuting bagay,
Umawit na lagi purihin ang ngalang Kataas-taasan.
Pag-ibig n’yang wagas ay dapat ihayag, kung bukang-liwayway,
pagsapit ng gabi ang katapatan n’ya’y ihayag din naman. (T)

2. Katulad ng palma, ang taong matuwid tatatag ang buhay,
parang mga sedro, kahoy sa Libano, lalagong mainam.
Parang punongkahoy na doon natanim sa tahanan ng Diyos,
sa banal na templo ito ay lalago na nakalulugod. (T)

3. Tuloy ang pagbunga kahit na ang punong ito ay tumanda,
luntia’t matatag, at ang dahon nito ay laging sariwa.
Ito’y patotoo na ang Panginoo’y tunay na matuwid,
Siya kong sanggalang, matatag na batong walang bahid dungis. (T)

IKALAWANG PAGBASA (2 Corinto 5:6-10)

MAKATUWIRANG PALIWANAG: Pinalalakas ni San Pablo ang loob ng mga taga-Corinto. Sa gitna ng mga pagsubok at kaguluhan, siya man ay hindi nasisiraan ng loob sapagkat buo ang tiwala niya kay Kristo.

MGA kapatid, laging malakas ang aking loob. Alam ko na habang tayo’y nasa tahanang ito, ang ating katawan, hindi mapapasaatin ang tahanang galing sa Panginoon. Namumuhay ako ayon sa pananalig sa Diyos, hindi sa mga bagay, na nakikita. Malakas nga ang loob kong iwan ang katawang ito na aking tinatahanan upang manirahan sa piling ng Panginoon. Kaya naman, ang pinakananais ko ay maging kalugud-lugod sa kanya, sa tahanang ito o doon man sa langit. Sapagkat bawat isa ay haharap sa hukuman ni Kristo upang tumanggap ng kaukulang ganti sa kyang ginawa, mabuti man o masama, nang siya’y nabubuhay pa sa daigdig na ito.

ALELUYA

B – Aleluya, aleluya.

Salita ng D’yos ang buto na tanim ni Hesukristo upang tumubo sa tao.

B – Aleluya, aleluya.

MABUTING BALITA (Marcos 3:20-35)

NOONG panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga tao, “Ang paghahari ng Diyos ay maitutulad sa isang naghahasik ng binhi sa kanyang bukid. Pagkatapos niyon, magpapatuloy siya sa kanyang pang-araw-araw na gawain; tutubo at lalago ang binhi nang hindi niya nalalaman kung paano. Ang lupa’y siyang nagpapasibol at nagpapabunga sa mga pananim: usbongmuna, saka uhay na pagkatapos ay mahihitik sa mga buti! Pagkahinog ng mga butil, agad itong ipagagapas sapagkat dapat nang anihin.

“Sa ano natin ihahambing ang paghahari ng Diyos?” sabi pa ni Hesus. “Anong talinghaga ang gagamitin natin upang ilarawan tio? Tulad ito ng butil ng mustasa na siyang pinakamaliit sa lahat ng binhi. Kapag natanim na at lumago, ito’y nagiging pinakamalaki sa lahat ng puno ng gulay; nagkakasanga ito nang malalabay, anupat ang mga ibon ay nakapamumugad sa mga sanga nito.”

Ang Salita’y ipinangaral ni Hesus sa kanila sa pamamagitan ng maraming talinghagang tulad nito, ayon sa makakaya ng kanilang pang-unawa. Hindi siya nangaral sa kanila nang hindi gumagamit ng talinghaga; ngunit ipinaliwanag niya nang sarilinan sa kanyang mga alagad ang lahat ng bagay.

PAGNINILAY

May isang eksperimento ang mga sikolohista sa Stanford University noong dekada ’60. Mga bata sa nursery ang kalahok. Pinaupo nila sa isang silid ang bawat bata kaharap ang isang pirasong matambok at puting marshmallow. Sabi ng gurong nagmamasid: ‘O, hijo/hija, lalabas lang ako sandali (na inabot ng 20 minutol). Kung may marshmallow pa pagbalik ko, bibigyan kita ng isa pang marshmallow! Pero kung wala na, ‘di na kita bibigyan, okay? Nakatutuwa ang mga ginawa ng mga bata sa pagpipigil habang hinihintay ang guro. Merong mga batang inamoy-amoy ang marshmallow, pinindot-pindot, dinali-dalirot. May isa, hinalikan pa ito. May tatlong kumurot ng malinggit, tapos kinain ang gamuta nilang nakuha. Yung iba, kuyakoy nang kuyakoy o kaya namimilipit habang nakatitig sa marshmallow. Yung isa, nagkakanta habang iniiwasang tingnan ang nakatutuksong marshmallow na ‘yun! Yung isa, kinuha na ito, inilapit na sa nakangangang bibig, sasakmalin na sana—tapos biglang ibinalik sa platito na parang napaso, iiling-iling, parang sinasasabi sa sarili, ‘Hindi. Kaya ko ‘to!’

Sa loob ng 50 taon, minatyagan ng mga sikolohista ang paglaki at pagtanda ng mga batang kalahok sa eksperimento. Ang kanilang napag-alaman? ‘Yung mga batang ‘di nakapaghintay sa guro ay tumandang maiksi ang pasensiya, madaling magalit, hirap magpasya sa mga bagay-bagay, at magulo ang buhay. Yun namang mga batang may pagpipigil sa sarili ay nakapasok sa magagandang pamantasan, may paggalang sa kapwa at naging matagumpay sa buhay dahil matiyaga at mahaba ang pasensiya. Naisip ko tuloy, siguro, kung napabilang si Hesus sa mga kalahok sa eksperimento, malamang sa pagbabalik ng guro ay buong-buo pa ang marshmallow!

lnihalintulad ni Hesus sa buto ng mustasa ang kaharian ng Diyos. Sabi niya, nagsisimula itong maliit, ngunit sa pagdaan ng panahon, ito’y lumalaki, yumayabong, hanggang mistulang tahanan ng marami. Kaharian lamang ba ng Diyos ang ganito? Hindi ba’t inilalarawan din nito ang mismong ugali ng ating Diyos na siyang namamahala ng kahariang ‘yan? Na isa siyang Diyos na parang magsasaka—tulad ng nabasa natin sa Unang Pagbasa—mahaba ang pasensiya sa atin, matiyaga tayong hinuhubog tungo sa kabutihan, bukas-palad sa kapatawaran sa harap ng padalusdalos at mali nating mga pagpapasya, nakahandang bigyan tayo ng maraming pagkakataong ituwid ang ating sarili. Higit sa lahat, ilang karagdagang marshmallow na ba ang ibinigay niya sa atin kahit hindi tayo karapat-dapat?

Malamang, ‘di ako papasa kung isinailalim din ako sa marshmallow test. Pero ‘ika nga ng isang napakabait na Heswitang pari noong nasa elementarya pa lang ako, ‘Don’t worry. God’s heart is like a marshmallow.’ (Huwag kang mag-alala. Ang puso ng Diyos ay para rin isang marshmallow) Malambot daw. Matamis. At walang hangarin kundi paligayahin tayo at busugin!

ANTIPONA SA KOMUNYON (Salmo 27:4)

Ang aking tanging mithiing sa Diyos ay hinihiling na siya ay makapiling sa tahanan siyang maningning ay akin ngayong hangarin.

Please like our Facebook page for weekly Mass readings and other Catholic based topics: https://www.facebook.com/The-Catholic-Gospel-Digest-800392180139908/

The Mass Readings are taken from Awit at Papuri Communications (www.awitatpapuri.com) and Reflections by Fr. Arnel DC Aquino, SJ is taken from the June 17th, 2018 edition of Sambuhay Missalette, printed in the Philippines by St. Paul’s Media Pastoral Ministry. The views and opinions expressed in this blog are those of the author and does not necessarily reflect those of this blog page.

Leave a comment