MGA TAGAPAGPAHAYAG NG EBANGHELYO (Mayo 13, 2018)

Dakilang Kapistahan ng Pag-akyat (B – Puti)

ANTIPONA (Gawa 1:11)

Taga-Galileang tanan, ang inyong pinagmamasdang umakyat sa kalangitan ay magbabalik din naman. Aleluya, siya’y awitan!

PAUNANG SALITA

Ipinahahayag ng dakilang kapistahan ng Pag-akyat ni Hesus sa langit ang hantungan ng pagmimisyon ni Hesus sa daigdig. Ngunit hindi niya tuluyang iiwan ang kanyang mga alagad. Sa pamamagitan ng Banal na Espiritu. sasamahan niya sila sa paghahatid ng Mabuting Balita at sa pagtatatag ng mga pamayanang Kristiyano.

lpinagdiriwang din natin ngayon ang ika-52 Pandaigdigang Araw ng Pakikipagtalastasan., na may temang “‘Palalayain kayo ng katotohanan ‘ (Jn 8:32): Pekeng Balita at Pamamahayag para sa Kapayapaan.” Pinaaalalahanan tayo ni Papa Francisco tungkol sa pananagutan nating sugpuin ang pagkalat ng di-makatotohanang balita at itaguyod ang dignidad ng pamamahaya, kabilang na ang pananagutan ng mga mamamahayag na italastas ang katotohanan.

UNANG PAGBASA (Gawa 1:1-11)

Ayon kay San Lukas, ang pagpapahayag ng Mabuting Balita ng Kaligtasan ay hindi nagwakas sa pagbabalik ni Hesus sa Ama. Bagkus, ibibigay ni Hesus sa mga apostol ang Espiritu santo upang patuloy nilang ipahayag at patotohanan ang Ebanghelyo.

MAHAL na Teofilo: Isinalaysay ko sa aking unang aklat ang lahat ng ginawa at itinuro ni Hesus buhat sa pasimula hanggang sa araw na siya’y umakyat sa langit. Bago siya umakyat, tinagubilinan niya sa pamamagitan ng Espiritu Santo ang mga apostol na kayong hinirang. Pagkatapos ng kanyang pagbabata, maraming ulit siyang napakita sa kanila. Sa gayon, napatunayang siya’y buhay. Napakita sya sa kanila sa loob ng apatnapung araw at nagturo tungkol sa paghahari ng Diyos. At samantalang siya’y kasama-sama pa nila, kanyang tinagubilinan sila: “Huwag muna kayang aalis sa Jerusalem. Hintayin ninyo roon ang ipinangangako ng Ama na sinabi ko na sa inyo. Nagbinyag nga sa tubig si Juan, ngunit di na magtatagal at bibinyagan kayo sa Espiritu Santo.”

Kaya’t nang magkasama-sama si Hesus at ang mga alagad, nagtanong ang mga ito, “Panginoon, itatatag na ba ninyong muli ang kaharian ng Israel?” Sumagot siya, “Ang mga panahon at sandali ay itinakda ng Ama sa kanyang sariling kapangyarihan, at hindi na kailangan pang malaman ninyo kung kailan iyon. Ngunit bibigyan kayo ng kapangyarihan pagbaba sa inyo ng Espiritu Santo, at kayo’y magiging mga saksi ko sa Jerusalem, sa buong Judea at Samaria, at hanggang sa dulo ng daigdig.” Pagkasabi nito, siya’y iniakyat sa langit samantalang nakatingin sila sa kanya; at natakpan siya ng ulap.

Habang sila’y nakatitig sa langit, dalawang lalaking nakaputi ang biglang tumayo sa tabi nila. “Mga taga-Galilea,” sabi nila, “Bakit kayo narito’t nakatingala sa langit? Itong si Hesus na umakyat sa langit ay magbabalik tulad ng nakita ninyong pag-akyat niya.”

SALMONG TUGUNAN (Salmo 46:2-3, 6-7, 8-9)

T – Habang umaakyat ang D’yos, ang tambuli’y tumutunog.

1. Magdiwang ang lahat ng mga nilikha,
pumalakpak kayong may awit at tuwa,
bilang pagpupuri sa Diyos na Dakila!
Ang Diyos na Poon, Kataas-taasan,
ay dakilang haring dapat katakutan,
siya’y naghahari sa sangkatauhan. (T)

2. Umakyat sa trono ang Panginoong Diyos,
hatid ng tambuling malakas ang tunog;
masayang sigawan ang ipinansuob.
Purihin ang Diyos, siya ay awitan,
awitan ang hari, siya’y papurihan! (T)

3. Ang Diyos, siyang hari ng lahat ng bansa,
awita’t purihin ng mga nilikha!
Maghahari siya sa lahat ng bansa,
magmula sa tronong banal at dakila. (T)

IKALAWANG PAGBASA (Efeso 1:17-23)

Ipinaliliwanag ni San Pablo na ang pag-akyat ni Hesus sa kalangitan ay tanda at patotoo sa kanyang pagkaluklok sa kanan ng Ama. Ibabahagi ni Hesus sa bawat kasapi ng kanyang Simbahan ang karangalang kanyang tinanggap.

MGA KAPATID: Hinihiling ko sa Diyos ng ating Panginoong Hesukristo, ang dakilang Ama, na pagkalooban niya kayo ng espiritu ng karunungan at ng tunay na pagkakilala sa kanya. Nawa’y liwanagan ng Diyos ang inyong mga isip upang malaman ninyo ang ating inaasahan sa kanyang pagkatawag sa atin. Ito’y ang kaluwalhatiang inilaan niya sa kanyang mga hinirang, at ang walang hanggang kapangyarihan niya sa atin na mga nananalig sa kanya. Ang kapangyarihan ding iyon ang muling bumuhay kay Kristo at nagluklok sa kanya sa kalangitan, sa kanan ng Diyos. Kaya’t nasa ilalim ng kapangyarihan ni Kristo ang lahat ng paghahari, kapamahalaan, kapangyarihan, at pamunuan. Higit ang kanyang pangalan kaysa lahat ng pangalan, hindi lamang sa panahong ito kundi pati sa darating. Ipinailalim ng Diyos sa kapangyarihan ni Kristo ang lahat ng bagay, at siya ang ginawang ulo ng Simbahan. Ito ang katawan ni Kristo, ang kapuspusan niya na pumuspuspos sa lahat-lahat.

ALELUYA (Mateo 28:19a, 20b)

B – Aleluya, aleluya.

Humayo’t magturo kayo palaging kasama ako hanggang sa wakas ng mundo.

B – Aleluya, aleluya.

MABUTING BALITA (Marcos 16:15-20)

NOONG panahong iyon: Nagpakita si Hesus sa Labing-isa alagad at sinabi sa kanila, “Humayo kayo sa buong sanlibutan at ipangaral ninyo sa lahat ang Mabuting Balita. Ang sumasampalataya at magpabinyag ay maliligtas, ngunit ang hindi sumampalataya ay parurusahan. Ang mga sumampalataya ay magtataglay ng ganitong tanda ng kapangyarihan: sa pangalan ko’y magpapalayas sila ng mga demonyo at magsasalita sila ng mga demonyo at magsasalita ng ibang wika; sila’y hindi maaano dumampot man ng ahas o uminom ng lason; at gagaling ang mga maysakit na mapatungan ng kanilang kamay.”

Pagkatapos magsalita sa kanila, ang Panginoong Hesus ay iniakyat sa langit at lumuklok sa kanan ng Diyos. Humayo nga ang mga alagad at nangaral sa lahat ng dako. Tinulungan sila ng Panginoon sa gawaing ito. Pinatotohanan niya ang Salitang kanilang ipinangangaral sa pamamagitan ng kapangyarihang gumawa ng himala, na ipinagkaloob niya sa kanila.

PAGNINILAY:

Ang pag-akyat sa kaluwalhatian ng ating Panginoong Hesukristo 40 araw matapos siya muling mabuhay ay hindi nangangahulugang tapos na ang kanyang personal at tuwirang pagsasagawa at pagtataguyod ng ating kaligtasan. Bagkus simula ito ng bagong kabanata ng kanyang patuloy na pagliligtas sa tao, ngayon sa pamamagitan ng kanyang mga alagad na inaatasan niya’t binibigyan ng kapangyarihang maging mga tagapagpahayag ng kanyang Ebanghelyo ng kaligtasan (Mc 16:15-20).

ANG EBANGHELYO NG KALIGTASAN. Ang anim na talatang pagbasa mula sa Ebanghelyo ayon kay San Marcos ay parang isang paglalagom sa naganap sa sambayanang Kristiyano matapos iakyat si Hesus sa langit. Ang misyong ipinagkatiwala ni Hesus sa kanyang mga alagad ay: “lpangaral ninyo sa lahat ang ebanghelyo.” Upang gawin ito, pinapupunta niya sila sa buong mundo. Hindi isang bungkos ng mga aral o turo, kundi si Hesus mismo ang ipahahayag nila sa lahat ng tao, sapagkat ito’y “ang Ebanghelyo ni Hesukristo” (Mc’ 1:1). Si Hesus na siyang kaligtasan ng sangkatauhan ang kanilang ibabahagi at ihahayag. Kaya nga “ang sumampalataya’t mabinyagan ay lmliligtas’, ngunit ang hindi sumampalataya ay parurusahan.” Ang pagsaatin ni Hesus ang pagdating sa atin ng paghahari ng Diyos, at ito’y kailangang sampalatayanan: si Hesus ay panaligan, at sa pamamagitan ng sakramento ng binyag ay mabuhay bilang kanyang kapanalig. Pagtanggi sa kaligtasan ang tumangging sumampalataya kay Hesukristo.

ANG KATIPUNAN NI HESUKRISTO. Ang “katipunan” (o “iglesya”) ng mga alagad ni Hesus ang sa kanya ngayo’y kumakatawan sa mundo. Sila ngayon, kumbaga, ang kanyang katawang” gamit para sa kaligtasan ng sangkatauhan—ang kanyang sakramento ng kaligtasan para sa sangtinakpan. Ang kanilang mga salita ang dapat ngayong tapat na sumasalamin sa Salita ni Hesus; ang kanilang mga gawa, tumutulad at naglalarawan ng kanyang pagmamahal; at ang kanilang paglilingkod, pagpapatuloy lamang ng kanyang paglilingkod. Sapagkat bilang mga kapanalig ni Hesus, mga alagad niya’y tunay niyang mga kadiwa. Sa Espiritu ni Hesus, matutularan ng mga Kristiyano ngayon ang ginawa ng mga una niyang alagad: ang mangaral sa lahat ng dako kaakibat ang mga tanda ng kapangyarihan at hiwagang nakamamangha. Pangako niya sa kanila na ang sumampalataya sa kanya ay bibiyayaan ng mga kagila-giIalas na mga gawa na magpapatunay sa Salita.

TAYO NGAYONG MGA ALAGAD NI HESUS. Nagpapatuloy ngayon ang hiwaga ng ating kaligtasan sa pamamagitan ng Ebanghelyo ni Hesukristo na kaagapay ang mga tandang nagpapatotoo. Sa salita at sa gawa ipinagpapatuloy ni Hesus ang pagliligtas sa tao—kung noon sa kanyang katawang-tao, ngayon sa kanyang katawang-iglesya, ang katipunan ng mga alagad na ang misyon ay maging sakramento’t lagusan ng kaligtasan para sa sangkatauhan. Ang paglilingkod na ito ng mga Kristiyano ay tahasang nagsimula sa pag-akyat ni Hesus sa kaluwalhatian sa piling ng Ama. At magpapatuloy ang paraang ito ng Diyos hanggang sa katapusan ng panahon. Samakatuwid, makapipili tayo ng sinumang santo o huwarang alagad ni Hesus, o kahit anumang pangkat at samahan ng mga tunay na Kristiyano, at makapagsasalaysay ng kanilang pagpapahayag at pagsasabuhay ng Ebanghelyo ni Hesukristo, ng kanilang mga kamangha-manghang gawa ng pag-ibig at salita ng katotohanan sa kapangyarihan ng Espiritu ni Hesukristo.

ANTIPONA SA KOMUNYON (Mateo 28:20)

Palaging kasama ako, palaging kapiling ninyo hanggang sa wakas ng mundo, ang sabi ni Hesukristo. Aleluya, awit sa’yo.

Please like our Facebook page for weekly Mass readings and other Catholic based topics: https://www.facebook.com/The-Catholic-Gospel-Digest-800392180139908/

The Mass Readings are taken from Awit at Papuri Communications (www.awitatpapuri.com) and Reflections by Msgr. Sabino A. Vengco, Jr. is taken from the May 13th, 2018 edition of Sambuhay Missalette, printed in the Philippines by St. Paul’s Media Pastoral Ministry. The views and opinions expressed in this blog are those of the author and does not necessarily reflect those of this blog page.

Leave a comment