PAGMAMAHAL TULAD NG KAY HESUS (Mayo 6, 2018)

Ika-6 na Linggo ng Muling Pagkabuhay (B – Puti)

ANTIPONA (Isaias 48:20)

Buong galak na ilahad upang marinig ng lahat ang ginawang pagliligtas ng Panginoong malakas. Aleluya ang ihayag!

PAUNANG SALITA

Malapit nang tapusin ni Hesus ang misyong ipinagkatiwala sa kanya ng Ama. Sa nalalapit na pagbalik niya sa Ama. sinasabi niya sa mga alagad na dumating na rin ang kanilang takdang panahon Kailangang maging mga saksi sila ng kanyang pag-ibig, humayo sa daigdig at mamunga nang masagana.

UNANG PAGBASA (Gawa 10:25-26, 34-35, 44-48)

Taliwas sa lumang paniniwala ng mga Hudyo na sila lamang ang maliligtas, pinagkalooban ng Espiritu Santo ang mga Hentil ng biyaya ng kaligasan. Tinanggap ni Pedro ang katotohanang ito at hindi siya nagdalawang-isip na binyagan ang mga Hentil.

SINALUBONG ni Cornelio si Pedro at nagpatirapa sa harapan nito at sumamba. Ngunit sinabi ni Pedro, “Tumindig kayo. Ako’y tao ring tulad ninyo. Ngayon ko lubusang natanto na walang itinatangi ang Diyos. Nalulugod siya sa sinumang may takot sa kanya at gumagawa ng matuwid, kahit saang bansa.”

Nagsasalita pa si Pedro nang bumaba ang Espiritu Santo sa mga nakikinig ng salita. Namangha ang mga mananampalatayang Judio na kasama ni Pedro, sapagkat ang mga ito ay pinagkalooban din ng Espiritu Santo. Narinig nila ang mga Hentil na nagsasalita sa iba’t ibang wika at nagpupuri sa Diyos. Kaya’t sinabi ni Pedro, “Tulad natin, sila’y pinagkalooban din ng Espiritu Santo. Sino pa ang makahahadlang na binyagan sila sa tubig?” At iniutos niyang binyagan sila sa pangalan ni Hesukristo. Pagkatapos, hinihiling nila kay Pedro na manatili roon ilang araw.

SALMONG TUGUNAN (Salmo 97:1, 2-3ab, 3kd-4)

T – Panginoong nagliligtas sa tanang bansa’y nahayag.

1. Umawit ng bagong awit at sa Poon ay ialay,
pagkat yaong ginawa n’ya ay kahanga-hangang tunay!
Sa sariling lakas niya at taglay na kabanalan,
walang hirap na natamo yaong hangad na tagumpay. (T)

2. Ang tagumpay niyang ito’y siya na rin ang naghayag,
sa harap ng mga bansa’y nahayag ang pagliligtas
Ang pangako sa Israel lubos niyang tinutupad. (T)

3. Tapat siya sa kanila at ang pag-ibig ay wagas.
Ang tagumpay ng ating Diyos kahit saan ay namalas!
Magkaingay na may galak, yaong lahat sa daigdig;
ang Poon ay buong galak na purihin sa pag-awit! (T)

IKALAWANG PAGBASA (1 Juan 4:7-10)

Sinusupil ng pag-ibig ang pagkamakasarili, poot, mga masamamng palagay sa kapwa. Sapagkat hindi lamang nagmumula sa puso ng tao ang pag-ibig kundi sa Diyos rin na siyang unang umiibig sa sangkatauhan.

MGA MINAMAHAL: Mag-ibigan tayo sapagkat mula sa Diyos ang pag-ibig. Ang bawat umiibig ay anak ng Diyos, at kumikilala sa Diyos. Ang hindi umiibig ay hindi kumikilala sa Diyos, sapagkat ang Diyos ay pag-ibig. Inihayag ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin nang suguin niya ang kanyang bugtong na Anak upang magkaroon tayo ng buhay sa pamamagitan niya. Ito ang pag-ibig: hindi sa inibig niya at sinugo ang kanyang Anak upang maging handog sa ikapagpapatawad ng ating mga kasalanan.

ALELUYA (Juan 14:23)

B – Aleluya, aleluya.

Ang sa aki’y nagmamahal, tutupad sa aking aral, Ama’t ako’y mananahan.

B – Aleluya, aleluya.

MABUTING BALITA (Juan 15:9-17)

NOONG PANAHONG iyon: Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Kung paanong iniibig ako ng Ama, gayun din naman, iniibig ko kayo; manatili kayo sa aking pag-ibig. Kung tinutupad ninyo ang aking mga utos, mananatili kayo sa aking pag-ibig; tulad ko, tinutupad ko ang mga utos ng aking Ama at ako’y nananatili sa kanyang pag-ibig.

“Sinasabi ko sa inyo ang mga bagay na ito upang makahati kayo sa kagalakan ko at malubos ang inyong kagalakan. Ito ang aking utos: mag-ibigan kayo gaya ng pag-ibig ko sa inyo. Walang pag-ibig na hihigit pa sa pag-ibig ng isang taong nag-aalay ng kanyang buhay para sa kanyang mga kaibigan. Kayo’y mga kaibigan ko kung tinutupad ninyo ang mga utos ko. Hindi ko na kayo inaaring alipin, sapagkat hindi alam ng alipin ang ginagawa ng kanyang panginoon. Sa halip, inaari ko kayong mga kaibigan, sapagkat sinabi ko sa inyo ang lahat ng narinig ko sa aking Ama. Hindi kayo ang pumili sa akin; ako ang pumili at humirang sa inyo upang kayo’y humayo at mamunga, at manatili ang inyong bunga. Sa gayun, ang anumang hingin ninyo sa Ama sa aking pangalan ay ipagkakaloob sa inyo. Ito ang inuutos ko sa inyo: mag-ibigan kayo.”

PAGNINILAY:

Kapag ang ating batayan ng pagmamahal ay kung gaano kadalas natin sinasabi o naririnig ang salitang “I love you,” “Labyu,” o “Mahal kita,” masasabi nating napakadaling magmahal. Sa totoo lang, talaga namang madaling magmahal kung minamahal din tayo. Madaling mahalin yung taong mabuti sa atin, mapagbigay, maunawain, malumanay, mapagpatawad, malambing… Madali talagang mahalin ‘yung “karapat-dapat” mahalin.

Pero ang utos sa atin ni Hesus ay hindi lang ang magmahalan tayo, kundi magmahalan “katulad” ng pagmamahal niya sa atin. Paano ba tayo minahal ng Panginoon? lpinahihiwatig niya sa ebanghelyo kung paano: “Wala nang pagmamahal na hihigit pa sa pag-aalay ng sariling buhay alang-alang sa mga kaibigan niya.” At ganun nga ang ginawa niya para sa kanyang mga kaibigan (ang kanyang mga alagad noon, ngayon, at sa darating pang mga panahon) nang yakapin niya ang kamatayan sa krus. Sa madaling salita, ang pagmamahal pala ni Hesus ay nangangahulugan ng malaking sakripisyo para sa kapakinabangan ng kanyang minamahal. Alam na natin ngayon ang ibig sabihin nito: namatay si Hesus (ngunit muling nabuhay) para magkaroon naman tayo ng buhay na walang-hanggan. Kung ganun, hindi pala madali ang magmahal gaya ng pagmamahal ni Hesus.

Si Muelmar “Toto” Magallanes ay isang 18-taong gulang na construction worker na dating nakatira sa tabing ilog sa Barangay Bagong Silangan sa Quezon City. Noong ika-26 ng Setyembre 2009, sa kasagsagan ng Bagyong Ondoy, katulong ang kanyang tatay at isang kapatid na lalaki, inilikas ni Toto ang buong pamilya nila palayo sa tumataas na tubig sa ilog. Nang matiyak niyang ligtas na ang kanyang pamilya, bumalik si Toto sa kanilang lugar para iligtas naman ang iba pa nilang mga ka-barangay na maaaring malunod sa baba. Nagpabalik-balik siya hanggang sa mahigit sa 30 katao pa—bata at matanda—ang nasagip niya sa tiyak sanang pagkalunod. Sa bandang huli, pagkatapos niyang iligtas ang isang mag-ina, sa kasamaang-palad, nabagsakan si Toto ng isang konkretong pader na agad niyang ikinamatay. Kinabukasan na nang malaman ng pamilya ni Toto ang nangyari sa kanya. Sabi ng kanyang inang si Aling Maria Luz: “Nag-alala talaga ako na baka nga mapahamak siya. Alam kong mahusay siyang lumangoy pero merong bumubulong sa puso ko na hindi ko maipaliwanag. Naisip kong maaaring hindi ko na siya makita uli.”

Ang kuwento naman ni Menchie Penalosa, na iniligtas din ni Toto kasama ng kanyang anak na sanggol na babae: “‘Napakabilis ng mga pangyayari. Nang makaakyat kami sa bubong, saka naman gumuho ang bahay namin. At tinangay na kami ng anak ko ng baha. Iniisip kong mamatay na kami nang maramdaman kong may kamay na kumapit sa ‘kin at hinila kami pataas para huwag lumubog… Ibinigay niya ang kanyang buhay para sa akin at sa aking anak. Hindi ko makakalimutan ang sakripisyong ginawa niya. Habang-buhay akong magpapasalamat sa kanya.”

Kinilala si Toto ng Time Magazine bilang isa sa sampung bayani ng taong 2009. Pero ang totoo, hindi lang isang kabayanihan ang ginawa ni Toto. Tanong ng kanyang inang nagdadalamhati: “Bakit siya kailangang mamatay? Ako na lang sana ang namatay.” Walang makabuluhang sagot kundi “namatay si Toto dahil nagmahal siya sa kapwa gaya ng pagmamahal ni Kristo sa atin.” Katulad ng sinasabi ng isang awit, ang pag-ibig na ipinakita ni Toto ay “pagbibigay na hindi nagtatantiya ng halaga at hindi naghihintay ng kapalit.”

ANTIPONA SA KOMUNYON (Juan 14:15-16)

Kung ako ay mamahalin, mga utos ko’y tutupdin at sa inyo’y susuguin. Patunbay sa inyong piling. Aleluya ay awitin.

Please like our Facebook page for weekly Mass readings and other Catholic based topics: https://www.facebook.com/The-Catholic-Gospel-Digest-800392180139908/

The Mass Readings are taken from Awit at Papuri Communications (www.awitatpapuri.com) and Reflections by Fr. Jean-Marie Rollin ‘Tuzzi” I. Flores, SSP, is taken from the May 6th, 2018 edition of Sambuhay Missalette, printed in the Philippines by St. Paul’s Media Pastoral Ministry. Links supported by this reflection courtesy of www.gmanews.tv. The views and opinions expressed in this blog are those of the author and does not necessarily reflect those of this blog page.

Leave a comment