“TUMALIKOD O TUMALIMA SA KALOOBAN NG AMA?” (Marso 18, 2018)

Ika-5 Linggo ng Kuwaresma (B – Biyoleta)

ANTIPONA (Salmo 43:1-2)

Ako ay iyong hukuman, pabulaanan ang sakdal ng may masamang paratang, D’yos ko, tanging ikaw lamang ang lakas ko at tanggulan.

PAUNANG SALITA

Sa ating ebanghelyo, lumapit ang ilang mga Griyego kay Felipe at nakiusap, “Ibig naming makita si Jesus.” Ito ang hangarin ng bawat Kristiyano lalung-lalo na ngayong panahon ng Kuwaresma. Bilang tugon sa hangarin nating ito, inihayag ni Jesus ang tungkol sa “oras” ng kanyang kaluwalhatian, na tumutukoy sa kanyang kamatayan at muling pagkabuhay. Ang kaluwalhatian ni Hesus ay naipahayag hindi lamang sa kanyang muling pagkabuhay kundi sa kanyang pagpapakasakit.

UNANG PAGBASA (Jeremias 31:31-34)

Matapos ang sunud-sunod na pagbali ng Israel sa kanyang kasunduan sa Panginoon, ipinahayag ni Jeremias na mismong Diyos ang gagawa ng paraan upang iligtas ang kanyang bayan.

SINASABI ng Panginoon, “Darating ang panahon na gagawa ako ng bagong pakikipagtipan sa Israel at sa Juda. Ito’y di gaya ng tipang ginawa ko sa kanilang mga ninuno, nang ilabas ko sila sa Egipto. Bagamat sumira sila sa kasunduan namin, nagtiyaga ako sa kanila. Ganito ang gagawin kong tipan sa Israel: Itatanim ko sa kanilang kalooban ang aking kautusan; isusulat ko sa kanilang mga puso. Ako’y magiging kanilang Diyos at sila ang magiging bayan ko. Hindi na nila kailangang turuan ang isa’t isa upang makilala ang Panginoon; lahat sila, dakila’t hamak ay makakilala sa akin, sapagkat patatawarin ko sila sa kanilang maling gawain at hindi ko na gugunitain pa ang kanilang kasalanan.”

SALMONG TUGUNAN (Salmo 50: 3-4, 12-13, 14-15)

T – D’yos ko, sa aki’y likhain tapat na puso’t loobin.

1. Ako’y kaawaan, O mahal kong Diyos,
sang-ayon sa iyong kagandahang-loob
mga kasalanan ko’y iyong pawiin,
ayon din sa iyong pag-ibig sa akin!
Linisin mo sana ang aking karumhan
at ipatawad mo yaring kasalanan! (T)

2. Isang pusong tapat sa aki’y likhain,
bigyan mo, O Diyos, ng bagong damdamin.
Sa iyong harapa’y h’wag akong alisin;
ang Espiritu mo ang papaghariin. (T)

3. Ang galak na dulot ng ‘yong pagliligtas,
ibalik at ako ay gawin mong tapat.
Kung magkagayon na, aking tuturuang
sa iyo lumapit ang makasalanan. (T)

IKALAWANG PAGBASA (Hebreo 5:7-9)

Natutunan ni Jesus ang pagsunod sa Ama sa pamamagitan ng pagpapakasakit. Sa paraang ito, siya ang naging bukal ng ating kaligtasan.

MGA KAPATID: Noong si Hesus ay namumuhay rito sa lupa, siya’y dumalangin at lumuluhang sumamo sa Diyos na makapagliligtas sa kanya sa kamatayan. At dininig siya dahil sa lubusan siyang nagpakumbaba. Bagamat siya’y Anak ng Diyos, natutuhan niya ang tunay na kahulugan ng pagsunod sa pamamagitan ng pagtitiis. At nang maganap na niya ito, siya’y naging walang hanggang Tagapagligtas ng lahat ng sumusunod sa kanya.

AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA (Juan 12:26)

Ang sinumang naglilingkod upang sa aki’y sumunod ay tunay na itatampok sa kaligayahang lubos ng mahal na Anak kong D’yos.

MABUTING BALITA (Juan 12:20-33)

Noong panahong iyon: Kabilang ang ilang Griego sa mga pumunta sa pista upang sumamba. Lumapit sila kay Felipe na taga-Betsaida, Galilea, at nakiusap, “Ginoo, ibig po naming makita si Hesus.” Sinabi ito ni Felipe kay Andres, at silang dalawa’y lumapit kay Hesus at ipinaalam ang kahilingan ng mga iyon. Sinabi ni Hesus, “Dumating na ang oras upang parangalan ang Anak ng Tao. Tandaan ninyo: malibang mahulog sa lupa ang butil ng trigo at mamatay, mananatili itong nag-iisa. Ngunit kung mamatay, ito’y mamumunga nang marami. Ang taong labis na nagpapahalaga sa kanyang buhay ay siyang mawawalan nito, ngunit ang napopoot sa kanyang buhay sa daigdig na ito ay siyang magkakaroon nito hanggang sa buhay na walang hanggan. Dapat sumunod sa akin ang naglilingkod sa akin, at saanman ako naroroon ay naroon din ang aking lingkod. Pararangalan ng Ama ang sinumang naglilingkod sa akin.”

“Ngayon, ako’y nababagabag. Sasabihin ko ba, ‘Ama, iligtas mo ako sa kahirapang daranasin ko?’ Hindi! Sapagkat ito ang dahilan kung bakit ako naparito–upang danasin ang kahirapang ito. Ama, parangalan mo ang iyong pangalan.” Isang tinig mula sa langit ang nagsabi, “Pinararangalan ko na ito, at muli kong pararangalan.”

Narinig ito ng mga taong naroon at ang sabi nila, “Kumulog!” Sabi naman ng iba, “Nagsalita sa kanya ang isang anghel!” Sinabi ni Hesus. “Ipinarinig ang tinig na ito dahil sa inyo, hindi dahil sa akin.

‘Panahon na upang hatulan ang sanlibutan. Itataboy ngayon sa labas ang pinuno ng sanlibutang ito. At kung ako’y maitaas na, ilalapit ko sa akin ang lahat ng tao.” Sinabi niya ito upang ipakilala kung paano siya mamamatay.

PAGNINILAY:

Noong nagsisimula pa lamang ako sa paglilingkod sa pamilya, naantig ako sa awitin sa Tipanan o Marriage Encounter ng mga mag-asawa: Maalaala mo kaya ang sumpa mo sa akin, na ang pagibig mo ay sadyang di magmamaliw?… di ka kaya magbago.” Ibig sabihin, nagmamaliw o nagbabago ba ang mga tao sa kanilang sumpa o tipanan sa asawa, kapwa o sa Diyos? Tulad ng nakaraang eleksyon. Maraming pangako, mawawala ang droga, ipagtatanggol ang karapatan ng bansa (West Philippine Sea) laban sa ibang bansa na sumasakop sa ating teritoryo…natutupad ba?

Tatlong gabay sa pag-unawa sa mga pagbasa.

Una, palapit na ng palapit ang Kuwaresma at Linggo ng Paggunita sa Paghihirap, Pagkamatay at Muling Pagkabuhay ni Jesus. Sa aklat ni Propeta Jeremias, natapon sa Babilonia ang mga Judio dahil tumalikod sila sa tipanan kay Yahweh, o sumamba sila sa diyus-diyusan. Sa aklat sa Hebreo, may pag-uusig at tukso na tumalikod o tumiwalag sa pananampataya dahil sa pag-uusig. Gayundin, sa Ebanghelyo ni Juan, lumalakas ang mga sumusunod sa Judaismo at may tukso rin na tumalikod at tumiwalag sa pananampalataya kay Kristo. Ibig sabihin, sa mga pagbasa malakas ang tukso ng katotohanan na maaaring tumalikod o tumiwalag sa pagsunod sa pananamapalataya sa Diyos o kay Jesukristo.

Ikalawa, pangako ni Yahweh ang pagpapatawad sa kasalanang nagawa at kakalimutan ang mga nagawang kasalanan. Dasal ng Salmo na panalangin na Iikhain at gawing dalisay ang puso at ibalik ang dlwang matibay. Sa aklat ng Hebreo, pinangako na magiging bukal ng kaligtasan sa lahat. Gayundin sa Ebanghelyo ni Juan, darating ang oras na itataas at luluwalhatiin ang Anak ng Tao sa pagkamatay ni Jesus. Lalapit ang mga tao kay Jesus upang sumamba sa kanya. Matibay ang pangako ng kaligtasan at tipanan ng Diyos sa atin. Aakitin niya tayo at bibigyan ng bagong puso at matibay na diwa. Lalapit ang lahat kay Jesus.

lkatlo, ang puso ng kaligtasan ay nakasalalay sa itatanim na pagpapanibago ng tipanan o batas ng pag-ibig ng Diyos hindi sa bato kundi sa puso ng tao: mahalin ang Diyos at kapwa katulad ng pagmamahal sa sarili. Sa aklat ng Hebreo, pinapakita ang kaligtasan ay bunga ng pagtalima ni jesus sa gitna ng paghihirap. Kasama niya tayo sa ating mga kahirapan. Sa ebanghelyo ni Juan, katulad ng mga Griyego, na nais na makita si Jesus, itataas siya sa kanyang pagkamatay, katulad ng butil ng trigo na mahuhulog sa lupa at mamamatay upang mamunga.

Naalaala ko ang drayber na sumundo sa akin noong nakaraang Pasko. 38 na taon siyang na-adik sa bawal na droga at alak. Di niya akalain na 2 taon na siya ngayon na di nagdodroga ni tumitikim ng alak. Nakatulong daw ang pagsuko niya sa itaas, sa higit na makapangyarihan (Higher Power), ang kawalan ng kontrol o adiksyon sa droga (alak). Ilan kaya sa mga pinatay ang puwede sanang magbago kung binigyan ng pagkakataon na magbago imbes patayin na walang hustisya?

Tumalikod o tumalima sa kalooban ng Diyos Ama, iyan ang katanungan sa ating sangandaan sa buhay.

—oOo—

KATEKESIS PARA SA TAON NG MGA PARI AT MGA RELIHIYOSO: Mga Panibagong Lingkod-Pinuno para sa Bagong Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ni Fr. James H. Kroeger, MM

Paksa: Jesus: Huwaran ng Mapagpakumbabang Paglilingkod.

Sinasabi sa atin ng Ebanghelyo ayon kay Juan na sa Huling Hapuna’y tumayo si Jesus mula sa kanyang inuupuan at nag-umpisang hugasan ang paa ng kanyang mga alagad. “Ang pag-ibig niya para sa kanila ang nagpakilos sa kanyang pagsilbihan sila nang mapagpakumbaba” ang mga salitang ginamit ng sulat pastoral ng CBCP para sa 2018 upang ihayag ang tunay na paglilingkod ni Jesus. “Habang nakaluhod sa may paanan ng kanyang mga alagad, tinanggal ng Panginoon ang pambihis na panlabas at isinuot ang twalya ng paglilingkod.

Tanghal ang kanyang halimbawa ng pagpapakumbaba, hinugasan niya ang kanilang pagod at maruming mga paa. Nang Iumao’y pinagsabihan niya sila na gawin ito sa isa’t isa… ‘lsang halimbawa ang ibiniigay ko sa inyo upang gawin din ninyo ang ginawa ko sa inyo’ (Jn 13:15). Paglilingkod ang layunin ng buong Simbahan-mapa-laiko man, pari, o relihiyoso. Sa totoo lang, ang pagbabahagi ng Mabuting Balita ay nangangahulugang pag-aabot at pagtahak sa mga malalayong lugar, dito sa ating bansa at sa kalapit-Asya.”

Bilang Simbahan, “maingat tayo na hindi maisama ang sinumang nangangailangan ng ligaya at pag-asa na dala ng Ebanghelyo. “Sa mga paligid!” Ating tupiin ang ating mga manggas at magtrabaho! Ang Simbaha’y parang ospital ng paunang lunas!

ABANGAN SA SUSUNOD NA LINGGO: Pagdadamayan at Pangkapatirang Pagtulong

ANTIPONA SA PAKIKINABANG: (Juan 12:24-25)

Butil na hindi mamatay sa lupang pinaghasikan ay palaging isa lamang, pag namatay uusbungan ng ibang butil sa uhay.

Please like our Facebook page for weekly Mass readings and other Catholic based topics: https://www.facebook.com/The-Catholic-Gospel-Digest-800392180139908/

The Mass Readings are taken from Awit at Papuri Communications (www.awitatpapuri.com) and Reflections by Fr. Teodulo P. Gonzales, SJ (based on a true story), is taken from the 11th March, 2018 edition of Sambuhay Missalette, printed in the Philippines by St. Paul’s Media Pastoral Ministry. The views and opinions expressed in this blog are those of the author and does not necessarily reflect those of this blog page.

Leave a comment