“HINDI KAPAHAMAKAN, KUNDI PAG-IBIG” (Marso 11, 2018)

Ika-Apat na Linggo ng Kuwaresma (B – Rosas/Biyoleta)

ANTIPONA (Isaiah 66:10-11)

Lunsod ng kapayapaan, magalak tayo’t magdiwang. Noo’y mga nalulumbay, ngayo’y may kasaganaan sa tuwa at kasiyahan.

PAUNANG SALITA

Sinasabi sa Ebanghelyo: “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa Sanlibutan, kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong ba Anak…sapagkat sinugo ng Diyos ang kanyang Anak, hindi upang hatulang maparusahan ang sanlibutan, kundi upang iligtas ito sa pamamagitan niya” (Juan 3:16).

Gayundin ang mensahe ni Apostol San Pablo: “Napakasagana ang habag ng Diyos at napakadakila ang pag-ibig na iniukol niya sa atin. Tayo’y binuhay niya kay Kristo kahit noong tayo’y mga patay pa dahil sa ating pagsuway” (Efeso 2:4-5). Dahil pinagkalooban tayo ng di-masukat na yaman ng biyaya ng Diyos, lumapit tayo sa kiwanag ni Kristo at ihatid natin ito para sa lahat ng tao.

UNANG PAGBASA (2 Cronica 36:14-16, 19-23)

Matapos masakop ng Persia ang Babilonia, pinukaw ng Diyos ang kalooban ni Haring Ciro na nagpabalik sa mga Israelita sa kanilang bayan at nag-utos itayo ang Templo.

NOONG mga araw na iyon: Sumama nang sumama ang mga pinuno ng Juda, ang mga saserdote at ang mamamayan. Nakigaya sila sa nakaririmarim na gawain ng ibang bansa. Pati bahay ng Panginoon na itinalaga niya sa Jerusalem ay kanilang itinakwil. Gayunman, dahil sa habag ng Panginoon sa kanila at sa pagmamalasakit sa kanyang Templo, lagi niyang pinadadalhan sila ng mga sugo. Ngunit hinahamak lamang nila ang mga ito at ang mga propeta at pinagtatawanan sa anumang sabihin. Kaya, umabot na sa sukdulan ang poot ng Panginoon, winasak ang muog ng Jerusalem at ang malalaking gusali. Ang mahahalagang ari-arian doon ay tinupok din, anupa’t ang lahat ay iniwan nilang wasak. Ang nagligtas sa patalim ay dinala nilang bihag sa Babilonia. Doo’y inalipin sila ng hari at ng kanyang mga anak hanggang ang Babilonia’y masakop ng Persia. Sa gayun natupad ang hula ni Jeremias na ang lupai’y nakapamahinga sa loob ng pitumpung taong singkad.

Upang matupad ang salita niyang ito sa pamamagitan ni Jeremias, pinukaw ng Panginoon ang kalooban ni Ciro, hari ng Persia noong unang taon ng kanyang paghahari. Nagpalabas ang haring ito ng isang pahayag sa buong kaharian na ganito ang isinasaad:

“Ito ang pahayag ng Haring Ciro ng Persia: ‘Ipinaubaya sa akin ng Panginoon, Diyos ng Kalangitan, ang lahat ng kaharian sa daigdig at inutusan niya akong magtayo para sa kanya ng templo sa Jerusalem ng Juda. Kaya, ang sinuman sa inyo na kabilang sa kanyang bayan ay pinahihintulutan kong pumunta sa Jerusalem. Samahan nawa siya ng Panginoon, ang kanyang Diyos.”

SALMONG TUGUNAN (Salmo 136:1-2, 3, 4-5, 6)

T – Kung ika’y aking limutin, wala na ‘kong aawitin.

1. Sa pampang ng mga ilog nitong bansang Babilonia,
kami roo’y nakaupong tumatangis, sa tuwinang
ang iniwan naming Sion ay aming maalaala.
Sa sanga ng mga kahoy, sa tabi ng ilog nila
isinabit namin doon, yaong dala naming lira. (T)

2. Sa amin ay iniutos ng sa amin ay lumupig,
na aliwin namin sila, ng matamis naming tinig,
tungkol sa Sion, yaong paksa, ninyong nais nilang awit. (T)

3. Pa’no namin aawitin, ang awit ng Panginoon,
samantalang bihag kaming nangingibang bayan noon?
Ayaw ko nang ang lira ko’y hawakan pa at tugtugin,
kung ang bunga sa pagtugtog, limutin ang Jerusalem. (T)

4. Di na ako aawit pa, kung ang lundong sasapitin
sa isip ko’t alaala, ika’y ganap na limutin,
kung ang kaligayahan mo ay hindi ko hahangarin. (T)

IKALAWANG PAGBASA (Efeso 2:4-10)

Noong tayo’y lugmok sa kasalanan, ang Diyos ang unang kumilos para iligtas tayo. Binuhay niya tayo at pinangakuan ng kaluwalhatian ng langit.

MGA KAPATID: Napakasagana ang habag ng Diyos at napakadakila ang pag-ibig na iniukol niya sa atin. Tayo’y binuhay niya kay Kristo kahit noong tayo’y mga patay pa dahil sa ating pagsuway. Naligtas nga kayo dahil sa pakikipag-isa kay Kristo Hesus, tayo’y muling binuhay na kasama niya at pinaupong kasama niya sa kalangitan. Ginawa niya ito upang sa darating na mga panahon ay maipakita niya ang di-masukat na kasaganaan ng kanyang kagandahang-loob sa atin sa pamamagitan ni Kristo Hesus. Dahil sa kagandahang-loob ng Diyos ay naligtas kayo sa pamamagitan ng inyong pananalig kay Kristo. At ang kaligtasang ito’y kaloob ng Diyos, hindi mula sa inyo. Hindi ito dahil sa inyong mga gawa kaya’t walang dapat ipagmalaki ang sinuman. Tayo’y kanyang nilalang, nilikha sa pamamagitan ni Kristo Hesus upang iukol natin ang ating buhay sa paggawa ng mabuti, na itinalaga na ng Diyos para sa atin noon pa mang una.

AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA (Juan 3:16)

Pag-ibig sa sanlibutan ng D’yos ay gayun na lamang, kanyang Anak ibinigay upang mabuhay kailanman ang nananalig na tunay.

MABUTING BALITA (Juan 3:14-21)

NOONG mga araw na iyon: sinabi ni Hesus kay Nicodemo, “Kung paanong itinaas ni Moises ang ahas doon sa ilang, gayun din naman, kailangang itaas ang Anak ng Tao, upang ang sinumang sumasampalataya sa kanya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan. Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak, upang ang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. Sapagkat sinugo ng Diyos ang kanyang Anak, hindi upang hatulang maparusahan ang sanlibutan, kundi upang iligtas ito sa pamamagitan niya.

Hindi hinahatulang maparusahan ang nananampalataya sa bugtong na Anak ng Diyos; ngunit hinatulan nang parusahan ang hindi nananampalataya sa kanya. Hinatulan sila sapagkat naparito sa sanlibutan ang ilaw, ngunit inibig pa ng mga tao ang dilim kaysa liwanag, sapagkat masama ang kanilang mga gawa. Ang gumagawa ng masama ay ayaw sa ilaw, at hindi lumalapit dito upang hindi mahayag ang kanyang mga gawa. Ngunit ang namumuhay sa katotohanan ay lumalapit sa ilaw; sa gayun, nahahayag na ang kanyang mga ginagawa’y pagsunod sa Diyos.

PAGNINILAY:

Nagpapahayag sa atin ng kuwento ng kaligtasan ang mga pagbasa natin ngayong ikaapat na Linggo ng Kuwaresma. Sa unang pagbasa, makikita natin kung paanong naging masama ang mga tao at gumawa ng lahat ng uri ng kasalanan, tinalikuran ang Diyos. Pero sa kasamaan at kasalanan ng tao, ano ang naging tugon ng Diyos? Hindi galit, paghuhusga, o parusa, kundi pag-ibig. Ang pag-ibig na ito ay ipinakita niya sa pamamagitan ng pagsusugo ng kanyang bugtong na Anak para iligtas tayo. Sabi ni Jesus sa ebanghelyo (na mababasa natin sa Juan 3:16), “Gayun na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan kaya isinugo niya ang kanyang bugtong na Anak upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.

Sa kasamaan nating mga tao, hindi kasamaan ang tugon ng Diyos. Sa kasalanan nating mga tao, hindi kapahamakan ang ninais ng Diyos. Sa kasalanan at kasamaan, pag-ibig pa rin ang tugon niya. Kung tayong tao siguro ang Diyos, kapag ginawan tayo ng masama, paparusahan na natin agad ang nagkasala sa atin, pahihirapan, ipapahamak, at, kung maaari lang, ipagtutulakan na natin sa impiyerno. Pero ibang-iba ang Diyos. Kahit sa ating pagkakasala, nagmamahal at nanatiling mabuti pa rin siya sa atin. Sa paglayo natin sa kanya, gumawa pa rin siya ng paraan upang ibalik tayo sa kanya, kahit na nga ang kapalit nito ay buhay pa ng kanyang bugtong na Anak.

Kaya nga sabi ni San Pablo sa ikalawang pagbasa (na atin ding mababasa sa Efeso 2:4-5), “Napakasagana ng habag ng Diyos at napakadakila ang pag-ibig na iniukol niya sa atin. Tayo’y binuhay niya kay Kristo kahit noong tayo’y mga patay pa dahil sa ating pagsuway.” Nag-uumapaw ang habag ng Diyos. Napakabuti ng kanyang kalooban sa tao. Ginawan na siya ng masama ng tao, nakuha pa niyang iligtas. Nagkasala na sa kanya, nagawa pa niyang mahalin. Lumayo na sa kanya, siya pa ang gumawa ng paraan upang ibalik tayo sa kanya. Sa kasalanan ng tao, sa kasamaan ng tao, pag-ibig pa rin ang kanyang tugon.

Matutuhan nawa natin ito. Kasi kadalasan, kapag may nakagawa ng masama sa atin, gusto nating gantihan din ng masama. lkatwiran natin, “Sinaktan mo ako, sasaktan din kita. Niloko mo ako, lolokohin din kita. Nagtaksil ka sa akin, pagtataksilan din kita.” O kaya naman, sinasabi, “Kasi sinasaktan ako ng magulang ko, kaya nagbibisyo na lang ako. Galing ako sa broken family, kaya napariwara rin ang buhay ko.”

Sa maling ginawa sa atin, hindi dapat mali rin ang tugon natin. Kung ginawan tayo nang masama, hindi ito nagbibigay sa atin ng karapatan o katwiran para gumawa rin ng mali at magkasala. Kung ginawan tayo ng mali, kung may nagkasala sa atin, ang tugon natin, tulad ng Diyos, ay PAG-IBIG. Hindi kapahamakan, kundi kabutihan. Hindi kasalanan, kundi kaligtasan.

Lubos tayong minamahal ng Diyos na hindi niya tayo gustong mapahamak, kahit pa nga tayo na ang nagkasala at lumayo sa kanya. Ang ikaapat na Linggo ng Kuwaresma ay Linggo rin ng kagalakan, Laetare Sunday. Isipin natin ang walang hanggang habag ng Diyos. Napakabuti ng kanyang puso. Napakadakila ng kanyang pag- ibig. Ganito tayo minamahal ng Diyos. Ganito rin nawa natin mahalin ang bawat isa.

—oOo—

KATEKESIS PARA SA TAON NG MGA PARI AT MGA RELIHIYOSO: Mga Panibagong Lingkod-Pinuno para sa Bagong Pagpapalaganap ng Ebanghelyo

ni Fr. James H. Kroeger, MM

Paksa: Pagpapanatili ng malapit na Ugnayan sa Diyos

Inilalarawan ng mga Ebanghelyo si Jesus bilang may malalim at personal na ugnayan sa kanyang Ama. Gaya nga ng nabanggit sa sulat pastoral ng CBCP, “Hindi nawala ni Jesus habang nabubuhay sa mundo ang pagiging niya sa kanyang Ama sa langit. Ang kanyang pakikipag-isa at pagpapalagayang-loob sa Ama ang nagpakilos sa kanya upang tumulong sa mga makasalanan at nangangailangan.”

Bilang mga laiko, mga pari, at mga relihiyoso, inaanyayahan tayo sa ‘pakikipag-isa’ at ‘mapagpalagay na ugnayan’ sa pagitan ni Jesus at ng Ama. Kaisa ni Kristo ang mga pari at mga relihiyoso… kaya tinatatwag silang ‘alagad ng Diyos,’ mga lalaki at babae ‘ng Diyos! Sila ay napababanal sa pamamagitan mismo ng kanilang paglilingkod ng pagpapabanal (tgn. CCC 1534).

Sinasabi pa ng mga obispo: “Manalangin nawa tayong manatili tayong kaisa ni Jesus tulad ng kanyang pagkakaisa sa Ama! Nananalangin tayo na patuloy ang lahat ng pari at relihiyoso sa kanilang pamamalagi kayJesus at maging ganap na tagasunod ng Panginoon para sa bagong Pagpapalaganap ng Mabuting Balita.”

ABANGAN SA SUSUNOD NA LINGGO: Jesus: Huwaran ng Mapagpakumbabang Paglilingkod.

ANTIPONA SA PAKIKINABANG: (Juan 12:24-25)

Butil na hindi mamatay sa lupang pinaghasikan ay palaging isa lamang, pag namatay uusbungan ng ibang butil sa uhay.

Please like our Facebook page for weekly Mass readings and other Catholic based topics: https://www.facebook.com/The-Catholic-Gospel-Digest-800392180139908/

The Mass Readings are taken from Awit at Papuri Communications (www.awitatpapuri.com) and Reflections by Fr. Reginald R. Malicdem, is taken from the 11th March, 2018 edition of Sambuhay Missalette, printed in the Philippines by St. Paul’s Media Pastoral Ministry. The views and opinions expressed in this blog are those of the author and does not necessarily reflect those of this blog page.

 

Leave a comment