“ANG TUNAY AT TAMANG HALAGA NG ISANG PAROL” (Enero 7, 2018)

Dakilang Kapistahan ng Pagpapakita ng Panginoon (B – Puti)

ANTIPONA: (Malakias 3:1; 1 Kronica 19:12)

Narito at dumarating ang Poong Diyos Hari natin. Paghaharing walang maliw, kapangyarihang magiliw ay lagi niyang tataglayin.

PAUNANG SALITA

Ipinagdiriwang natin ang Epipanya o Pagpapakita ng Panginoon sa lahat ng mga bansa. Ang pagsilang ni Jesus ay hindi lamang para sa Israel kundi para sa buong sanlibutan na kinakatawan ng mga pantas o ng “Tatlong Mago.” Magturo nawa ang pagdiriwang na ito sa atin na tanggapin ang lahat ng tao bilang mga kapatid natin sa iisang Ama.

UNANG PAGBASA (Isaias 60:1-6)

Ayon kay propeta Isaias, lilipunin ng Diyos ang mga Israelita mula sa lahat ng dako, pati na rin ang mga bansang pagano.

BUMANGON KA, Jerusalem, at magliwanag na tulad ng araw. Nililiwanagan ka ng kaningningan ng Panginoon. Mababalot ng dilim ang ibang mga bansa; ngunit ikaw ay liliwanagan ng Panginoon sa pamamagitan ng kanyang kaningningan. Sa ningning ng iyong taglay na liwanag, yaong mga bansa, sampu ng mga hari’y lalapit na kusa.

Tumingin ka sa paligid at tingnan mo ang nagaganap. Ang mga anak mo’y nagtitipon na upang umuwi. Ang mga lalaki’y magmumula sa malayo, ang mga babae’y kargang tila mga bata. Ang tanawing ito kung iyong mamalas, ikaw ay sisigla, sa iyong damdami’y pawang kagalakan yaong madarama; pagkat ang yaman niyong karagata’y iyong matatamo, at ang kayamanan ng maraming bansa ay makakamtan mo. Maraming pangkat na nakasakay sa kamelyo ang darating mula sa Madian at Efa. At sa Seba nama’y darating silang may taglay na mga ginto at kamanyang. Ihahayag ng mga tao ang magandang balita tungkol sa ginawa ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN (Salmo 71)

T – Poon, maglilingkod sa’yo tanang bansa nitong mundo.

1. Turuan mo yaong haring humatol ng katuwiran,
sa taglay mong katarungan, O Diyos, siya’y bahaginan;
upang siya’y maging tapat mamahala sa ‘yong bayan,
at pati sa mahihirap maging tapat siyang tunay. (T)

2. Yaong buhay na mat’wid sa kanyang kapanahunan,
madama ng bansa niya at umunlad habang buhay.
Yaong kanyang kaharian ay palawak nang palawak,
mula sa Ilog Eufrates, sa daigdig ay kakalat. (T)

3. Mga haring nasa pulo at naroon sa Espanya,
maghahandog ng kaloob, ihahain din sa kanya
pati yaong mga hari ng Arabia at Etiopia,
may mga kaloob ding taglay nilang alaala.
Ang lahat ng mga hari, gagalang sa harap niya,
mga bansa’y magpupuri’t maglilingkod sa tuwina. (T)

4. Kanya namang ililigtas ang sinumang tumatawag,
lalo yaong nalimot nang mga taong mahihirap;
sa ganitong mga tao siya’y lubhang nahahabag
sa kanila tumutulong, upang sila ay maligtas. (T)

IKALAWANG PAGBASA (Efeso 3:2-3a, 5-6)

Ibinunyag ni Apostol Pablo sa mga taga-Efeso ang lihim na panukala ng Diyos na maliligtas hindi lamang ang taga-Israel kundi maging ang mga pagano.

MGA KAPATID: Marahil naman, nabalitaan na ninyong dahil sa kagandahang-loob ng Diyos ay ipinagkatiwala niya sa akin ang tungkuling ito para sa inyong kapakinabangan. Ipinahayag sa akin ng Diyos ang kanyang lihim na panukala. Ang hiwagang ito’y hindi ipinaalam sa mga tao noong mga nakaraang panahon, ngunit inihayag ngayon ng Diyos, sa pamamagitan ng Espiritu, sa kanyang mga banal na apostol at mga propeta. At ito ang lihim: sa pamamagitan ng Mabuting Balita, ang mga Hentil, tulad din ng mga Judio, ay may bahagi sa mga pagpapalang mula sa Diyos; mga bahagi rin sila ng iisang katawan at kahati sa pangako ng Diyos dahil kay Kristo Jesus.

ALELUYA (Mateo 2:2)

B: Aleluya! Aleluya!

Ang tala’y aming nakita kaya’t kami’y nagsipunta upang sa Poon sumamba.

B: Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA (Mateo 2:1-12)

SI JESUS ay ipinanganak sa Betlehem ng Judea noong kapanahunan ni Haring Herodes. Dumating naman sa Jerusalem ang ilang Pantas mula sa Silangan at nagtanung-tanong doon: “Nasaan ang ipinanganak na Hari ng mga Judio? Nakita namin sa Silangan ang kanyang tala at naparito kami upang sambahin siya.”

Nang mabalitaan ito ni Haring Herodes, siya’y naligalig, gayun din ang buong Jerusalem. Kaya’t tinipon niya ang lahat ng punong saserdote at mga eskriba sa Israel at itinanong sa kanila kung saan ipinanganak ang Mesiyas. “Sa Betlehem po ng Judea,” tugon nila. “Ganito ang sinulat ng propeta: ‘At ikaw, Betlehem, sa lupain ng Juda, ay hindi nga huli sa mga pangunahing bayan ng Juda. Sapagkat sa iyo lilitaw ang isang pinuno na mamamahala sa aking bayang Israel.'”

Nang mabatid ito, lihim na ipinatawag ni Herodes ang mga Pantas at itinanong kung kailan lumitaw ang tala. At pinalakad niya sila patungong Betlehem matapos pagbilinan ng ganito: “Humayo kayo at inyong hanaping mabuti ang sanggol. Kapag inyong natagpuan, ibalita agad ninyo sa akin upang ako may makasamba sa kanya.” At lumakad na nga ang mga Pantas. Muli silang pinangunahan ng talang nakita nila sa Silangan hanggang sa sumapit ito sa tapat ng kinaroroonan ng bata. Gayun na lamang ang galak ng mga Pantas nang makita ang tala! Pagpasok sa bahay, nakita nila ang bata sa piling ng kanyang inang si Maria. Lumapit sila at nagpatirapa at sinamba ang bata. Binuksan nila ang kanilang mga sisidlan at inihandog sa kanya ang dala nilang ginto, kamanyang, at mira.

Nang sila’y pabalik na, sinabi sa kanila ng Diyos sa pamamagitan ng panaginip na huwag na silang babalik kay Herodes. Kaya, nag-iba na sila ng daan pauwi.

PAGNINILAY:

Magkano na ba ngayon ang halaga ng isang parol? Ang kamahalan ng parol ay nakasalalay sa kalidad at sa ganda ng parol. Pero ang tunay at tamang halaga ng isang parol ay “dalawang daan”—hindi dalawang daang piso kundi dalawang daan ni Kristo.

Alam nating sinasagisag ng parol ang tala o bituin na ayon sa ebanghelyo ni San Mateo ay nakita ng tatlong Mago noong unang araw ng Pasko. Ayon pa nga sa tatlong Mago, iyon “ang bituin ng bagong silang na Hari ng mga Judio” (Mt 2:2) na walang iba kundi ang Panginoong Jesus. Kaya naman para sa mga Kristiyano, lalo na para sa ating mga Pilipino, mahalaga ang parol sa pagdiriwang ng Pasko. Samakatuwid, hindi lang palamuting pamasko ang parol. Una sa lahat nagpapaalala ito sa dalawang “daan” na dapat nating tahakin sa buhay-Kristiyano.

Unang Daan. Nakita ng tatlong Mago ang tala at sinundan nila ito upang makarating at sumamba sa Hari ng mga hari—si Jesus na Anak ng Diyos. Samakatuwid, ang tala ang naging gabay nila sa daan patungo kay Kristo. Darating ang araw na sasabihin mismo ni Jesus na siya ang llaw”ng mundo (Jn 8:12) at siya ang “Daan” (Jn 14:6). Ang parol, kung gayon, ay nagpapaalala sa atin na si Jesus ang nagbibigay-liwanag sa daan ng buhay at siya rin ang Daan na dapat nating sundan at tahakin kung gusto nating makarating sa Ama (Jn 14:6). Kaugnay nito, kung si Jesus ang tama at natatanging Daan, dapat lang na ituro natin ang Daang ito sa iba pang tao. Kailangan din nating magmistulang mga parol na kaakit-akit sa paningin ng mga tao. Ibig sabihin dapat din tayong magsilbing ilaw na nagbibigay-liwanag sa daan ng ating kapwa tungo kay Jesus at sa pamamagitan ni Jesus, patungo sa Ama sa langit. Tanungin natin ang ating sarili: Ako ba ay nakapagbibigay ng kasiyahan, inspirasyon, at pag-asa sa aking kapwa? Ang buhay ko ba ay huwaran ng buhay-Kristiyano na maaaring tularan ng ibang tao?”

Ikalawang Daan. Pagkatapos nilang sumamba kay Jesus, sinasabing hindi na bumalik ang mga Mago kay Herodes at “nag-iba na sila ng daan pauwi.” Nagpapahiwatig ito ng pagbabagong-puso o pagbabagong-buhay. Tinalikuran nila ang posibleng pakikipagtulungan sa masamang balak ni Herodes. Sinumang makaranas ng malalim at makabuluhang pakikipagtagpo sa Panginoon ay tiyak na maghahangad rin na magbagong-buhay. Nangangahulugan ito ng paghinto sa nakasanayang paraan ng pamumuhay na malayo-kung hindi man taliwas-sa buhay ni Kristo na nahahayag sa mga ebanghelyo. Sa madaling salita, ang parol ay nagpapaalala sa atin na ang Pasko ay tungkol din sa pagbabalik-loob sa Diyos, kung hindi man ganap na pagbabagong-loob. Tanungin natin ang ating sarili: “Kung totoong nakita ko na ang liwanag ni Kristo, nanaisin ko pa kayang maglakad pa sa dilim?”

ANG EBANGHELYO at ANG PANGANGALAGA SA SANGNILIKHA:

Naging tao si Kristo at napakita sa lahat ngayong kapistahan ng Pagpapakita. Pinabanal niya ang lahat ng bagay dito sa mundo. Ang pagsasabuhay ng ating pananampalataya bilang Kristyano ay nangangahulugang pagkatanto sa ating pananagutan sa sangnilikha at sa atong tungkulin sa Diyos at sa kalikasan, bilang bahagi ng ating pananampalataya. – Green Convergence

ANTIPONA SA KOMUNYON (Mateo 2:2; tingnan ang Aleluya)

Nakita nami’t natanaw ang tala niya sa silangan kaya’t kami ay naglakbay upang aming mahandugan ng alay ang Poong mahal.

Please like our Facebook page for weekly Mass readings and other Catholic based topics: https://www.facebook.com/The-Catholic-Gospel-Digest-800392180139908/

The Mass Readings and Reflections by Jean Rollin Marie I. Flores, SSP is taken from the January 7, 2018 edition of Sambuhay Missalette, printed in the Philippines by St. Paul’s Media Pastoral Ministry. The views and opinions expressed in this blog are those of the author and does not necessarily reflect those of this blog page.

Leave a comment