“MABAIT ANG PANGINOON” (Disyembre 23, 2017)

Misa de Gallo (B – Puti)

ANTIPONA: (Isaias 9:6, Salmo 72:17)

Ang isisilang na bata ngala’y Diyos na dakila. Sa kanya ay magmumula tatanggaping pagpapala ng lahat ng mga bansa.

PAUNANG SALITA:

Habang papalapit tayo sa pagdiriwang ng kaarawan ng Tagapagligtas, makita nawa natin ang kagandahang-loob ng Diyos sa ating buhay. Madama nawa nating tayo rin ay mahalaga para sa Diyos-tulad ni Juan na magiging tagapagpakilala kay Jesus. Maging tayo man ay mayroong natatanging misyon sa buhay: ang tanggapin ang Panginoon at ipamalita sa iba ang kanyang kagandahang-loob.

UNANG PAGBASA (Malakias 3:1-4, 23-24)

Ang pagdating ni Elias ang siyang tanda ng muling pag-uugnayan ng Diyos at ng kanyang bayan. Ang pagbasang ito ang nasa likod ng kapanganakan ni Juan na pumarito sa Espiritu ni Propeta Elias.

NARITO ang pahayag ng Makapangyarihang Panginoon, “Ipadadala ko ang aking sugo upang ihanda ang daraanan ko. At ang Panginoon na inyong hinahanap ay biglang darating sa kanyang templo. Darating ang pinakahihintay ninyong sugo at ipahahayag ang aking tipan.” Ngunit sino ang makatatagal pagdating ng araw na iyon? Sino ang makahaharap pag siya’y napakita na? Siya’y parang apoy na nagpapadalisay sa bakal at parang matapang na sabon. Darating siya para humatol at dadalisayin niya ang mga saserdote, tulad ng pagdalisay sa pilak at ginto. Sa gayon, magiging karapat-dapat silang maghandog sa Panginoon, at ang mga handog na dadalhin ng mga taga-Juda at Jerusalem ay magiging kalugud-lugod sa kanya, tulad ng dati. Ngunit bago dumating ang nakahihindik na araw ng Panginoon, isusugo ko sa inyo si Propeta Elias. Muling magkakalapit ang loob ng mga ama’t mga anak. Kung hindi’y mapipilitan akong pumariyan at wasakin ang inyong bayan.

SALMONG TUGUNAN (Salmo 24)

T – Itaas niyo ang paningin kaligtasa’y darating.

1. Ang kalooban mo’y ituro, O Diyos
ituro mo sana sa aba mong lingkod;
ayon sa matuwid, ako ay turuan,
ituro mo, Poon, ang katotohanan. (T)

2. Mabuti ang Poon at makatarungan,
sa mga salari’y guro at patnubay;
sa mababang-loob siya yaong gabay,
at nagtuturo ng kanyang kalooban. (T)

3. Tapat ang pag-ibig, siya’ng umaakay
sa tumatalima sa utos at tipan.
Sa tumatalima, siya’y kaibigan,
at tagapagturo ng banal na tipan. (T)

ALELUYA

B: Aleluya! Aleluya!

Hari’t batong panulukang Saligan ng Sambayanan, halina’t kami’y idangal.

B: Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA (Lukas 1:57-66)

DUMATING ang oras ng panganganak ni Elisabet, at nagluwal siya ng isang sanggol na lalaki. Nabalitaan ng kanyang mga kapitbahay at mga kamag-anak na siya’y pinagpala ng Panginoon, at nakigalak sila sa kanya.

Nang ikawalong araw, dumalo sila sa pagtutuli ng sanggol. Zacarias sana ang ipangangalan sa kanya — gaya ng kanyang ama — ngunit sinabi ng kanyang ina, Hindi! Juan ang ipangangalan sa kanya.” “Subalit wala isa man sa iyong mga kamag-anak ang may ganyang pangalan,” wika nila. Kaya,t hinudyatan nila ang kanyang ama at itinanong kinig ano ang ibig niyang itawag sa sanggol. Humingi siya ng masusulatan at sumulat ng ganito: “Juan ang kanyang pangalan.” At namangha silang lahat. Pagdaka’y nakapagsalita siya at nagpuri sa Diyos. Natakot ang lahat ng kanilang kapitbahay, anupat naging usap-usapan sa buong kaburulan ng Judea ang mga bagay na ito. Pinakaisip-isip ito ng lahat ng nakaalam at ang kanilang tanong: “Magiging ano nga kaya ang batang ito?” Sapagkat maliwanag na sumasakanya ang Panginoon.

PAGNINILAY:

Sa mga kultura ng mga Judio, napakahalaga ang pangalang ibinibigay sa isang sanggol. Nasa pangalan ang kanyang pagkatao at ang kanyang misyon sa mundo. Kadalasang itinutulad ang pangalan ng sanggol sa ama bilang pagbibigay-pugay sa kinabibilangang angkan. Kaya’t nagulat na lang ang lahat ng kapitbahay at kaibigan nina Zacarias at Elisabet nang pangalanan nila ang sanggol na “Juan,” gayong wala namang may pangalang Juan’ sa kanilang pamilya. Maiintindihan natin ang dahilan kapag binalikan natin ang kahulugan ng pangalang Juan.’ Ang Juan ay nagmula sa Yehohanan sa Hebreo na ang ibig sabihin ay “magandang-loob ni Yawe.” Sa ibang salita, ang Diyos ay mapagmahal at mabait. Malinaw na ipinangalan nina Zacarias at Elisabet ang sanggol na “Juan” dahil sa dalawang bagay:

Una, kinilala nila ang pagmamagandang-loob ng Diyos sa kanila. Matagal na silang hindi magkaanak, at akala nila na hindi na ito posible. Naging mabait ang Diyos kina Zacarias at Elisabet kaya binigyan pa sila ng isang anak sa kabila ng kanilang katandaan. Nawala na ang kahihiyan ni Elisabet sa harap ng lahat ng tao, at maaari na niyang harapin ngayon ang mga kapitbahay at kamag-anak na walang ikinahihiya.

Pangalawa, pinili nila ang pangalang ‘Juan’ dahil ito ang utos ng anghel Gabriel kay Zacarias. Nawala ang tinig ni Zacarias dahil nagduda siyang matutupad ang sinabi ng anghel at pinilit niya ang kanyang sariling pananaw. Kailangang dumaan si Zacarias sa isang pagdadalisay. Naging pipi ang matandang pari sa loob ng siyam na buwan, at noong napilitan siyang manahimik, unti-unting natutong makinig ang kanyang puso. Sinimulan niyang hanapin ang kalooban ng Diyos at sa huli, isinuko na niya ang kanyang sarili sa plano ng Diyos. Dahil ipinakita na niya ang pagbabago, nagpanumbalik ang kanyang pananalita at ang mga unang salitang lumabas sa kanyang bibig ay pagpupuri sa Diyos!

Ngayong nalalapit na ang Pasko, magandang pagnilayan natin ang pagdating ng ating Tagapagligtas at ang misyon ni Juan sa konteksto ng dalawang puntong ito:

Una, mahalaga ang pagkilala sa magagandang ginawa ng Panginoon para sa atin. Ang misyon ni Juan Bautista ay ipahayag kung paano naging napakabuti ng Diyos sa atin dahil ipinadala niya ang kanyang bugtong na Anak upang mailigtas tayo mula sa kamatayan at kasalanan.

Pangalawa, ang pagsunod sa kalooban ng Diyos ay ang pinakamainam na paghahanda sa kanyang pagdating. Ang pagtutuwid ng sariling buhay ay nangangahulugang pagsunod sa daan ni Jesus, hindi sa sariling daan. Sa ganitong paraan, hinahayaan nating maisakatuparan ang misyon ni Jesus sa pamamagitan natin.

Ano ngayon ang hamon sa atin ng Adbiyento? Maging mapagpasalamat tayo sa Diyos na mabait at mapagbigay sa atin. Buksan natin ang ating mata upang makita ang mga magagandang ginagawa ng Diyos para sa atin. Maganda ring tanungin kung ano ang misyon ng Diyos para sa atin. Ano ba ang kalooban ng Diyos para sa atin? Ano kaya ang magiging tugon natin sa pagmamahal na kaloob sa atin ng Diyos? Kapag may plano ang Diyos para sa atin, kailangang maisakatuparan ito. Ang kanyang Salita ay nararapat pakinggan at paniwalaan. Mahirap talaga isuko ang sariling kagustuhan sa kagustuhan ng Diyos. Ngunit tuwing nagtutugma ang ating kalooban sa kalooban ng Diyos, mayroong kapayapaan sa ating puso at ang lahat ng bagay ay nagiging tama.

ANTIPONA SA KOMUNYON (Pahayag 3:20)

Ako ay nasa pintuan, tumutuktok, naghihintay. Kung ako ay pagbibigyang makapasok sa tahanan, kayo’y aking sasaluhan.

The Mass Readings and Reflections by Fr. Herbert P. Santos is taken from the December 23, 2017 edition of Sambuhay Missalette, printed in the Philippines by St. Paul’s Media Pastoral Ministry. The views and opinions expressed in this blog are those of the author and does not necessarily reflect those of this blog page.

 

Leave a comment