“BUKOD NA PINAGPALA” (Disyembre 8, 2017)

Kapistahan ng Kalinis-linisang Paglilihi sa Mahal na Birheng Maria (B – Puti)

ANTIPONA: (Isaias 61:10)

Nagagalak ako sa Diyos na sa akin ay nagsuot ng damit ng pagkatubos at ng kagandahang-loob nang hirangin akong lubos.

PAUNANG SALITA:

Ipinagdiriwang natin ngayon ang Dakilang Kapistahan ng Kalinis-linisang Paglilihi sa Mahal na Birheng Maria. Sa araw na ito ipinaaalala sa atin ang katapatan ng Diyos na tumupad sa pangako niyang pagsupil sa kasamaan. Isinugo niya ang Tagapagligtas upang tubusin ang kanyang sambayanang lugmok sa kasalanan. At bahagi ng planong ito ay ang paglilihi kay Maria na walang anumang bahid ng pagkakasala upang siya ay maging karapat-dapat na Ina ng Tagapagligtas.

(O di kaya ay)

Sa gitna ng paghahanda natin sa Panahon ng Adbyento para sa Pasko ng Pagsilang ng ating Panginoong Hesus, ipinagdiriwang natin ang Dakilang Kapistahan ng Kalinis-linisang Paglilihi sa Mahal na Birheng Maria, ang punong patron ng bansang Pilipinas. Tayo ay nagninilay kay Maria, ina ng Diyos na pinili na maging Ina ng ating Tagapagligtas. Ang kapistahang ito ay nagpapaalala sa atin ng Panginoon na tinupad niya ang mga pangako para itakwil tayo sa kasalanan. Binigyan niya tayo ng Tagapagligtas na tumubos ang sangkatauhan mula sa kanilang mga kasalanan. Sa paghihintay natin sa pagtubos na ito, Ipinaglihi si Maria na malaya mula sa bahid ng kasalanan, upang siya ay maging karapat-dapat na Ina ng ating Tagapagligtas.

UNANG PAGBASA (Genesis 3:9-15, 20)

Nang pinakinggan ng babae ang panunukso ng ahas na sumasagisag sa kasalanan, ang kanyang lipi ay napabukod at lumayo sa kalinga ng Diyos. Subalit hindi itinakwil ng Diyos ang sangkatauhan: isang bagong Eva ang magsisilang ng sanggol na susupil sa kasamaan.

PAGKAKAIN ni Adan sa bunga ng puno, tinawag siya ng Panginoon at tinanong, “Saan ka naroon?”

“Natakot po ako nang marinig ko kayong nasa hardin; nagtago po ako sapagkat ako’y hubad,” tugon ng lalaki.

“Sinong may sabi sa iyong hubad ka?” tanong ng Diyos. Bakit, kumain ka ba ng bungang ipinagbabawal ko?”

“Kasi, pinakain po ako ng babaing ibinigay ninyo sa akin,” tugon ng lalaki.

“Bakit mo naman ginawa iyon?” tanong ng Diyos sa babae.

“Mangyari po’y nilinlang ako ng ahas, kaya ako natuksong kumain,” tugon naman niya.

At sinabi ng Panginoon sa ahas:

“Sa iyong ginawa’y may parusang dapat, na tanging ikaw lang yaong magdaranas; ikaw ay gagapang, ang hatol kong gawad, at alikabok ang pagkaing dapat. Kayo ng babae’y laging mag-aaway, binhi mo’t binhi niya’y laging maglalaban. Ito ang dudurog ng ulo mong iyan, at ang sakong niya’y ikaw ang tutuklaw.” Eva ang itinawag ni Adan sa kanyang asawa, sapagkat ito ang ina ng sangkatauhan.

SALMONG TUGUNAN (Salmo 98:1, 2-3ab, 3cd-4; Tugon: 1)

T – Umawit sa D’yos ng awa, ang gawain n’ya’y dakila.

1. Umawit ng bagong awit at sa Poon ay ialay,
pagkat yaong ginawa niya ay kahanga-hangang tunay!
Sa sariling lakas niya at taglay na kabanalan,
walang hirap na natamo yaong hangad na tagumpay. (T)

2. Ang tagumpay niyang ito’y siya na rin ang naghayag,
sa harap ng mga bansa’y nahayag ang pagliligtas.
Ang pangako sa Israel lubos niyang tinupad. (T)

3. Tapat siya sa kanila at ang pag-ibig ay wagas.
Ang tagumpay ng ating Diyos kahit saan ay namalas!
Magkaingay na may galak, yaong lahat sa daigdig;
ang Poon ay buong galak na purihin sa pag-awit! (T)

IKALAWANG PAGBASA (Efeso 1:3-6, 11-12)

Ipinahayag ni San Pablo kung paano hinirang ng Diyos ang kanyang mga lingkod bago pa magsimula ang kasaysayan ng mundo. Ito ay isang paalala kung paano inihanda ng Diyos si Maria bilang ina ng Tagapagligtas.

MAGPASALAMAT tayo sa Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesukristo! Pinagkalooban niya tayo ng lahat ng pagpapalang espirituwal dahil sa ating pakikipag-isa kay Kristo. At sa atin ngang pakikipag-isang ito, hinirang na niya tayo bago pa nilikha ang sanlibutan upang maging banal at walang kapintasan sa harapan niya. Dahil sa pag-ibig ng Diyos, tayo’y kanyang itinalaga upang maging mga anak niya sa pamamagitan ni Jesukristo. Iyan ang kanyang layunin at kalooban. Purihin natin siya dahil sa kanyang kahanga-hangang pagkalinga sa atin sa pamamagitan ng kanyang minamahal na Anak!

At dahil kay Kristo, kami’y naging bayan ng Diyos na nagsagawa ng lahat ng bagay ayon sa kanyang panukala at kalooban. Nangyari ito nang kami’y hirangin niya noon pang una – kaming mga unang umasa kay Kristo – sa lalong ikadadakila niya.

ALELUYA (Lucas 1:28)

B: Aleluya! Aleluya!

Aba, Ginoong Maria, napupuno ka ng grasya, Diyos ay kapiling mo tuwina.

B: Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA (Lucas 1:26-28)

NOONG panahong iyon, ang anghel Gabriel ay sinugo ng Diyos sa Nazaret, Galilea, sa isang dalaga na ang pangala’y Maria. Siya*y nakatakdang ikasal kay Jose, isang lalaki buhat sa lipi ni Haring David. Paglapit ng anghel sa kinaroroonan ng dalaga, binati niya ito. “Matuwa ka! Ikaw ay kalugud-lugod sa Diyos,” wika niya. “Sumasaiyo ang Panginoon!” Nagulumihanan si Maria sa gayong pangungusap, at inisip niyang mabuti kung ano ang kahulugan niyon. Kaya’t sinabi sa kanya ng anghel, “Huwag kang matakot, Maria, sapagkat kinalulugdan ka ng Diyos. Makinig ka! Ikaw ay maglilihi at manganganak ng isang lalaki, at siya’y tatawagin mong Hesus. Magiging dakila siya, at tatawaging Anak ng Kataas-taasan. Ibibigay sa kanyang Panginoong Diyos ang trono ng kanyang amang si David. Maghahari siya sa angkan ni Jacob magpakailanman, at ang kanyang paghahari ay walang hanggan.”

Paanong mangyayari ito, gayong ako’y dalaga?” tanong ni Maria. Sumagot ang anghel, “Bababa sa iyo ang Espiritu Santo, at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan. Kaya’t banal ang ipanganganak mo at tatawaging Anak ng Diyos. Natatandaan mo ang iyong kamag-anak na si Elisabet? Alam ng lahat na siya’y baog, ngtmit naglihi siya sa kabila ng kanyang katandaan. At ngayo’y ikaanim na buwan na ng kanyang pagdadalantao – sapagkat walang hindi mapangyayari ang Diyos.”

Sumagot si Maria, “Ako’y alipin ng Panginoon. Mangyari sa akin ang iyong sinabi.” At nilisan siya ng anghel.

PAGNINILAY:

Sa Kapistahan ng Kalinis-linisang Paglilihi sa Mahal na Birheng Maria, ipinagdiriwang natin ang mahiwagang kalooban ng Diyos na tayong kanyang mga nilalang ay maging banal at walang kapintasan sa kanyang harapan. Si Maria, sa dahilang hinirang na maging ina ng manunubos na sa Jesukristo, ang katangi-tanging nilikha na totoong banal sa unang sandali pa lamang ng kanyang buhay. lpinaglihi siyang walang kasalanan at kapintasan sa harap ng Diyos.

Mga pinagpala sa pakikipag-isa kay Kristo. Sinasabi ni San Pablo sa kanyang liham sa mga taga-Efeso na dapat nating ipagpasalamat sa Diyos ang kanyang kalooban na dala ng ating pakikipag-isa kay Kristo na siyang humirang sa atin “bago pa nilikha ang sanlibutan upang maging banal at walang kapintasan sa harapan niya” (1:3-6, 11-12). Tinutukoy nito na sa katapusan ng panahon, sa pamamagitan ng pagliligtas sa atin ni Jesukristo, nakatalaga tayong maging mga anak ng Diyos sa buhay na walang katapusan. Ganoon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa atin.

Kamangha-mangha ang layuning ito ng Lumalang sapagkat sa simula pa lamang nagkasala na ang tao at tumangging makinig sa salita ng Diyos at tumalima sa kanyang kalooban. Sa Unang Pagbasa, isinasalaysay ang pangyayari ng pagkakasala at pagsuway nila Adan at Eva sa utos ng Lumalang. Kaya naman nagtangka pa silang pagtaguan ang Diyos dahil sa kanilang kahihiyan (Gn 3:9-15, 20). Ngunit hindi kayang biguin ng kasalanan ng tao ang Diyos; mayroon pa ring pag-asang ibinigay ang Diyos sa tao. Winika ng Diyos sa ahas na nanukso, “Pagkakagalitin ko kayo, ikaw at ang babae, ang iyong supling at ang kanyang supling-dudurugin nito ang ulo mo, at tutuklawin mo ang kanyang sakong.”

Ang puspos ng Grasya. Si Mariang ina ni Jesus ang babaeng magiging katunggali ng ahas at hindi mapangingibabawan ng ahas. Si Jesus na anak ni Maria ang dudurog sa ulo ng ahas. Sa Ebanghelyo (Lc 1:26-38) kaagad kinilala ng anghel kung sino si Maria. Siya ang “puspos ng grasya” at sumasakanya ang Panginoon: tigib si Maria ng pagpapala ng Diyos, at hindi siya kailanman nagkulang sa biyaya ng Diyos. Mismong Panginoon ang sumasakanya; walang anumang kasalanang pumagitan kay Maria sa harap ng Diyos at inihiwalay sila sa Diyos. Mayroong katangi-tanging “magandang niloloob ang Diyos” para kay Maria: ang maging ina ng bugtong na Anak ng Diyos.Kaya naman katangi-tangi rin ang kabanalang kaloob ng Diyos kay Maria: sa simula’t sapul puspos siya ng grasya at, sa paliwanag ng Banal na Simbahan, ipinaglihi siyang walang anumang dungis ng kasalanang mana.

Ang kalinis-linisang paglilihi kay Maria dahil kay Jesukristo ay bahagi ng pagtubos sa sangkatauhan mula sa kapangyarihan ng kasamaan. Tulad ng pangako ng Lumalang na katumbas ng isang paunang Mabuting Balita para sa atin, dudurugin ng binhi ng babae ang ulo ng ahas. Nang ibalita ng anghel kay Maria na sumapit na ang hinihintay na pagliligtas, wasto’t tumpak nitong sinabi kay Maria, “Matuwa ka!” Ang wagas na kagalakan ni Maria, na umaapaw hanggang sa atin ngayon, ay bunga ng dahilang si Maria ang unang natubos sa bukod-tanging paraan ng pag-iiwas sa kanya sa anumang kasalanan.

ANTIPONA SA KOMUNYON

Paksang isinsalaysay ang iyong kadalilaan, O Maria, Birheng Mahal, ‘pagkat ikaw ang nagluwal sa araw ng kaligtasan.

PANALANGIN NG PASASALAMAT PARA SA BAYANG PILIPINAS

O Pinagpalang Birheng Maria, ikaw na iniligtas sa bahid ng kasalanang mana, O Kaibig-ibig at Makapangyarihang Patron ng Pilipinas, sa iyo’y iyukod ang walang hanggang papuri, paggalang, at pasasalamat alang-alang kay Kristo Jesus. O Kalinis-linisang Ina, ang aming Kaibig-ibig na Ina, ang aming Kahanga-hangang Reyna, ipinagbubunyi namin ang iyong awa at dumudulog sa iyong pag-aampon. O Pinagpalang Ina, ikaw na binihag ang mga puso ng mga tao sa bisa ng kalinisan; ikaw na bumihag sa puso ng aming kababayan. Itinatag mo at kinupkop at pinalakas ang batayan ng pananampalataya ng aming mahal na bayan sa pamamagitan ng pagtangkilik mo, katulad ng napupuna sa maraming katibayan tanda ng mga biyaya mo. O Ina, ikaw ang mahal namin, na yumuyurak sa ulo ng ahas, iligtas ang aming bayan sa kamandag ng masasamang tao at mga erehe. Ikaw na ipinag-adya at tinuruan ang aming bayan sa pananampalataya na galing sa iyong Anak, ipagsanggalang at ipagtanggol kami. Kami ay iyong-iyo. lpakitang ikaw ang aming Ina at Patrona, ingatan kami sa bisa ng malakas na panalangin. Amen.

The Mass Readings and Reflections by Msgr. Sabino A. Vengco, were taken from the December 8, 2017 edition of Sambuhay Missalette, printed in the Philippines by St. Paul’s Media Pastoral Ministry. The translations of the alternate introduction by the head admin from the English edition of the same issue of the missalette. The views and opinions expressed in this blog are those of the author and does not necessarily reflect those of this blog page.

Leave a comment