“Ako ang Kaharian ng Diyos” (Setyembre 24, 2017)

Ika-25 Linggo sa Karaniwang Panahon (A – Berde)

PAGBASA SA MABUTING BALITA (Mateo 20:1-16a)

NOONG panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad ang talinghagang ito: “Ang paghahari ng Diyos ay katulad nito: lumabas nang umagang-umaga ang may-ari ng ubasan upang humanap ng mga manggagawa. Nang magkasundo na sila sa upa na isang denaryo maghapon, sila’y pinapunta niya sa kanyang ubasan. Lumabas siyang muli nang mag- iikasiyam ng umaga at nakakita siya ng iba pang tatayu-tayo lamang sa liwasang-bayan. Sinabi niya sa kanila, ‘Pumaroon din kayo at magtrabaho sa aking ubasan, at bibigyan ko kayo ng karampatang upa.’ At pumaroon nga sila. Lumabas na naman siya nang mag-iikalabindalawa ng tanghali at nang mag-iikatlo ng hapon, at gayon din ang ginawa niya. Nang mag- iikalima ng hapon, siya’y lumabas uli at nakakita pa ng mga ibang wala ring ginagawa. Sinabi niya sa kanila, ‘Bakit kayo tatayu-tayo lang dito sa buong maghapon?’ ‘Wala pong magbigay sa amin ng trabaho, e!’ sagot nila. At sinabi niya, ‘Kung gayon, pumaroon kayo at gumawa sa aking ubasan.’

“Pagtatakip-silim, sinabi ng may-ari ng ubasan sa kanyang katiwala, ‘Tawagin mo na ang mga manggagawa at sila’y upahan, magmula sa huli hanggang sa unang trabaho.’ Ang mga nagsimula nang mag-iikalima ng hapon ay tumatanggap ng tig-iisang denaryo. At nang lumapit ang mga nauna, inakala nilang tatanggap sila nang higit doon; ngunit ang bawat isa’y tumanggap sila nang higit doon; ngunit ang bawat isa’y tumanggap din ng isang denaryo. Pagkatanggap nito, nagreklamo sila sa may-ari ng ubasan. Sabi nila, “Isang oras lang pong gumawa ang mga huling dumating, samantalang maghapon kaming nagpagal at nagtiis ng nakapapasong init ng araw. Bakit naman po ninyo pinagpare-pareho ang upa sa amin?’ At sinabi niya sa isa sa kanila, ‘Kaibigan, hindi kita dinadaya. Hindi ba’t nagkasundo tayo sa isang denaryo? Kunin mo ang ganang iyo, at umalis ka na. Maano kung ibig kong upahan ang nahuli nang tulad ng upa ko sa iyo? Wala ba akong karapatang gawin ang aking maibigan sa ari-arian ko? O naiingit ka lang sa aking kabutihang loob?’ Kaya’t ang nahuhuli ay mauuna, at ang nauuna ay mahuhuli.”

PAGNINILAY:

Sa dami ng relihiyon ay ideolohiyang umaangkin sa “kaharian ng Diyos,” ano at sino nga ba ang dapat nating paniwalaan?

Marami ang nahihiwagaan sa Ebanghelyo ngayong araw. Tila di makatarungan ang ginawa ng may-ari ng ubasan sa mga manggagawang kanyang inupahan. Anupa’t nilinlang niya ang mga ito nang walang dahilan. Ngunit kung susuriing mabuti ang talinhaga, hindi ito nagpapatungkol sa literal na mga obrero; bagkus ito ay patungkol sa grupo ng mga taong tumatanggap, naglilingkod, at nagpapahayag ng “Kaharian ng Diyos.” Inakala ng mga naunang inupahang manggagawa na dahil sila ang naunang inarkila ng may-ari, makatatanggap sila ng higit kaysa sa mga manggagawang huling inupahan. Gayundin, inakala ng mga Israelita na sila lamang ang maliligtas sapagkat sila ang napiling lahi ng Diyos mula pa noong panahon ni Abraham. Nang umakyat si Hesus sa langit, ipinagpatuloy ng mga unang Kristiyano ang misyong sinimulan ni Hesus hanggang sa makarating ang mabuting balita sa mga hentil sa iba’t ibang panig ng mundo. Sa parehong kadahilanan, inakala nilang sa kanila rin ang “Kaharian ng Diyos.” Hanggang sa kasaluuyan, di pa rin nawawala ang ganitong pag-iisip. Sa mga parokya, bantayog, o bahay dalanginan kapansin-pansin pa rin ang diskriminasyon ng iilan sa mga taong sa kanilang tingin ay kakaiba o taliwas sa kanilang paniniwala at pananampalataya. Ito ang analohiyang nais ipahwatig ni Hesus: ang kahinaan ng mga tao sa kabila ng kanilang masigasig na paglilingkod sa “Kaharian ng Diyos.”

Sa hinaba-haba ng kasaysayan ng tao, bilyon-bilyon na ang nagbuwis ng buhay dahil sa paniniwalang ang grupo nila ang nagmamay-ari ng “Kaharian ng Diyos.” Kadalasanm ito ang pinagmumulan ng pagkakawatak- watak ng mga pamilya at ng lipunan sa kabuuan. Kaya bilang mga Kristiyano, paano nga ba natin haharapin ang ganitong sigalot?

Tinuturuan tayo ni Hesus na umibig sa lahat ng pagkakataon. Komunikasyon ang susi upang mapagtagumpayan natin ang ating pagkakawatak-watak. Hindi man natin napapansin, naaapektuhan ang ibang tao sa lahat ng ating mga sinasabi at ginagawa. Sa ating mga simbahan, mahalagang mayroong pag-uunawaan at aktibong pakikipagtalastasan sa kapwa. At hindi lamang ito eksklusibong misyon ng mga pari, madre, at mga relihiyoso. Ang pakikipagdayalogo ay misyon ng bawat Kristiyanong miyembro ng pandaigdigang Simbahan, mas lalo dapat siyang nagiging mapagkumbaba at bukas sa lahat ng mga tao, Katoliko man o hindi. Sa Ebanghelyo, pinalilitaw ni Hesus ang kahinaang maaaring kaharapin o kasalukuyang kinahaharap ng mga naglilingkod sa kanyang ubasan. Kaya patuloy siyang nagpapaalala: “Mauuna nga ang huli, at mahuhuli ang una” (tgn. Mateo 20:16).

Kaya naman, ating isaisip at isapuso ang hamong ito ni Hesus, nang sa gayo’y hindi natin maangkin ang “Kaharian ng Diyos” bagkus, ito ay ating maitatag at maipagpayabong, hawak-hawak ang mga kamay ng ating mga kapatid at kapwa.

Ngayon, ano at sino nga ba ang dapat nating paniwalaan? Lumuhod. Makinig. Tumugon. Narito ang may-ari ng ubasan.

PANGWAKAS NA PANGKAISIPAN: (Ang Ebanghelyo at ang Pangangalaga sa Sangnilikha)

“Nagdurusa nang matindi ang kalikasan at nasa bingit na ng pagkagunaw. Nawa’y talikuran na natin ang pang-aabuso ng mga likas na yaman at sikaping ibalik sa dating karangyaan ang ating kalikasan; ating iturung ang likas na yaman bilang mga biyayang dapat alagaan at ibahagi, sa halip na abusuhin ito at pagsamantalahan. – Green Convergence

Ang Mabuting Balita at ang Pagninilay ni Ian Gabriel C. Ceblano, SSP ay hinango mula sa isyu ng Sambuhay Missalette (Setyembre 24, 2017) na inilathala sa Pilipinas ng St. Paul’s Media Ministry.

Leave a comment